Select Page

MAYOR’S CUP 2023

Mayor’s Cup 2023 Basketball Tournament, pormal nang sinimulan
ni: Jennis Nicole Crisostomo. Ang Bougainvillea / Nicolas L. Galvez MINHS

Bilang pagsuporta ng Lokal na Pamahalaan ng Bay sa larangan ng sports, pormal nang binuksan ang Mayor’s Cup 2023 Basketball Tournament sa pamamagitan ng isang Opening Ceremony, Mayo 28, sa Tanghalang Bayenos, Bay, Laguna.
Sinimulan ang programa sa pamamagitan ng isang parada tampok ang mga makukulay na banner at naggagandahang ‘muse’ mula sa mga kalahok mula sa 15 barangay at LGU Bay.

Sa kaniyang pambungad na pananalita, tiniyak ni Mayor Jose Padrid na mas paiigitingin pa ng kaniyang pamunuan ang talento ng Bayenos sa sports. Binigyang-diin din niya na mabibigyan ng pagkakataon ang bawat manlalarong Bayeno nang hindi alintana ang edad. Sa katunayan, mula 26 anyos pataas ang ‘qualified’ sa paglalaro sa nasabing torneyo sapagkat naniniwala ang punong bayan na hindi hadlang ang edad upang maipakita ang husay sa larangan ng basketball.

Tiniyak din ng punong-bayan na hindi magiging hadlang ang pondo upang magbigay-kasiyahan sa mga manlalarong Bayenos.
“Ang inyo pong tagapaglingkod ay gumastos. Galing po sa sarili kong bulsa ang lahat ng pondong ginamit dito. Pati po ang mga papremyo ay sinagot po ng inyong Mayor,” ani ni Padrid.

Nagbigay din ng pahayag ng pagsuporta at pasasalamat sina Vice Mayor John Paul Villegas, Municipal Administrator Atty. Joanna Patricia Padrid at Konsehal Kiko Padrid. Anila, hangarin ng gawaing ito mapaigting pa ang talento ng manlalarong Bayenos at mas mapabuti pa ang samahan ng mga mamamayan. Pinasalamatan din nila ang mga tumulong upang matagumpay na maisakatuparan ang kauna-unahang Mayor’s Cup matapos ang pandemya.

Samantala, bumandera sa ‘Best in Banner ang Barangay Tranca at nasungkit ng Barangay Bitin ang Miss Mayor’s Cup 2023. Nakopo rin ng LGU-Bay ang Best in Team Gimmick.
Inaasahan ng pamunuan ng Lokal na Pamahalaan ng Bay ang patuloy na pagtangkilik ng Bayeños sa Mayor’s Cup.

PANOORIN: Mayor’s Cup 2023 Opening Ceremony|Nicolas L. Galvez MINHS